“Ang lahat ng ito ay ginagawa namin upang pangalagaan ang kapakanan ng aming health frontliners, ang mga BHW. Umaasa din kaming gayahin ito ng ibang mga lokal na pamahalaan.”

Ito ang pahayag ni Vice Mayor Joseph George Lechonsito sa halos 5,000 barangay health workers (BHW) ng SOCCSKSARGEN matapos ilahad ang mga best practices ng pamahalaang lokal ng Tacurong noong 10th Regional BHW Congress, Oktubre 3, sa syudad ng Tacurong.

BHW congress_Tacurong

Kabilang sa mga best practices na ibinida ng bise mayor ay ang ordinansang nagbibigay seguridad sa trabaho ng BHWs. Ang ordinansaay pinamagatang An Ordinance Establishing City Community Volunteer Health Workers/Barangay Health Workers Tacurong City Chapter (CCVHWs/BHWs-TCC), Setting Guidelines For Their Qualifications, And Providing Funds Thereof” na naaprubahan noong Enero 2014.

“Sa pamamagitan ng ordinansang ito, hindi na mag-aalala ang mga BHWs tuwing matatapos ang eleksyon. They will not be placed at the mercy of elected officials,” ayon kay Lechonsito.

Ayon pa kay Lechonsito, hindi dapat nasasali ang mga BHWs sa pulitika sa bawat barangay. “Dito sa Tacurong, nais naming ang mga BHWs ay mag-focus sa kanilang tunay na gawain at adbokasiya–ang kalusugan ng mamamayan,” dagdag niya.

Upang patuloy na maging produktibo ang mga BHWs sa Tacurong, patuloy din ang pagbibigay ng lokal na pamahalaan ng umento o increase sa kanilang monthly allowance. “Ang mga BHWs ay volunteers. Ngunit naiintindihan naming mayroon din silang mga pangangailangan,” ayon kay Lechonsito.

Sa ngayon, ang mga BHWs sa Tacurong ay nakakatanggap ng P1,000 bilang monthly allowance mula sa LGU. Dagdag pa dito ang binibigay ng bawat barangay sa kanila. Ang allowance ay itinaas sa P1,000 noong Enero 2014 mula sa P800 noong nakaraang taon.

Ang mga BHWs ay miyembro din ng Local Health Board. Ito ay upang bigyan sila ng boses sa paggawa at pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan at pati na rin sa pagsusulong ng kapakanan ng mga health workers sa syudad.

Buo din ang suporta ni Mayor Lina O. Montilla sa BHWs, na tinawag nyang mga bayani. “We, in the LGU, assure our health workers that their efforts are always recognized and compensated not just financially but with honest service from their leaders,” ayon kay Montilla.

Umaasa ang lokal na pamahalaan ng Tacurong na ibabahagi rin ng mga BHWs sa kani-kanyang mga lugar, at mabigyang pansin ng mga lokal na lider. “Bukas din kami sa pag-replicate ng best practices ng ibang LGUs para mas mapabuti pa ang health service delivery sa Tacurong,” ayon kay Vice Mayor Lechonsito.

Ang 10th Regional BHW Congress ay pinasinayaan ng DOH XII, Regional BHW Federation, at lokal na pamahalaan ng Tacurong. (LGU Tacurong City Information)