Share this on

Sinisimulan na ang pagsesemento sa Kidapawan – Allah Junction Road Bridge o mas kilala bilang tulay sa Brgy. EJC Montilla, na madalas na ring mabansagang “Little Dubai” dahil sa alikabok nitong dala sa mga dumaraan dito.

 

Matatandaang noong 2018 pa naumpisahang gawin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nasabing tulay at higit 3 taon nang naghihintay ang biyaherong bumabaybay nito, lalong-lalo na ang mga labas-pasok sa Lungsod ng Tacurong, na maisaayos na ang isinisagawang tulay.

Dahil dumaraan pa sa “Phasing” at naghihintay pa ng sapat na pondo ang DPWH para sa proyekto nilang ito, ngayon lang muli naisakatuparan ang pagpapatuloy sa paggawa at pagsesemento nito.

 

Mayroong kabuuang P29 milyong pondo ang nakalaan para sa tulay at kasali sa laang-gugulin ang pagsesemento ng 4 na hanay ng daanan, paglalagay ng solar lights at solar studs, at ang pagtatayo ng riprap sa mga gilid nito upang mapanatiling ligtas ito.

 

Inaasahang sa 1st Quarter ng susunod na taon tuluyang makukumpleto ang tulay at mailalagay ang mga kaukulang bahagi nito.

Ang implementasyon ng proyektong ito ay tanging DPWH lamang ang humahawak at ang Lokal na Pamahalaan ng Tacurong ay walang kontrol at pasya rito. Ngunit, alam ng lokal na pamahalaan kung gaano kahaba ang proseso ng bawat proyekto ng DPWH.

 

Kung kaya’t, ninanais ng lokal na pamahalan, lalo na ng yumaong Alkalde Hon. Angelo O. Montilla, na kung maaari, ang mga susunod na proyekto ng DPWH sa lungsod ay lokal na pamahalaan mismo ang magpatupad at magsagawa gamit ang mga sarili nitong kagamitan at heavy equipments. (DECostas, LGU-TacInformation)