Tatlong libong TUPAD beneficiaries, tumanggap ng sahod mula sa DOLE

Share this on
Laking pasasalamat ng tatlong libong low-income earning workers ng lungsod ng Tacurong makaraang matanggap na nila ang sahod kapalit ng sampung araw na pansamantalang trabaho o temporary employment.
Idinaos ang pamimigay ng sahod kahapon sa Tacurong City Cultural and Sports Center noong Hulyo 18 kung saan pinangunahan ito nina DOLE Regional Director Raymundo Agravante at City Mayor Joseph George Lechonsito.
Kasama ni Director Agravante sa idinaos na payout program si DOLE Provincial Head Mary Jane Hoksuan.
Samantala, dumalo din sa maikling programa si Sangguniang Panlungsod Committee on Labor and Employment Chairperson Geraldine Collado ganundin sina Councilor Ralen Tabusares-Bernardo, Councilor Carlos Borromeo Segura, Councilor Harvey Legas, at Councilor Jose Lim V.
Naging panauhin din sa pagtitipon ang National President ng PESO Managers Association of the Philippines na si Jonix Paniagua.
Kasama sa grupo ng DOLE na namigay ng sahod ang mga TUPAD Coordinators sa pangunguna ng focal person nila na si Jehan Pulua.
Naatasan namang umasikaso sa lugar na pagdadausan ng programa ang Public Employment Service Office (PESO) sa pangunguna ni Allan Freno.
Ang mga benepisyaryo sa programang ito ay napili gamit listahan mula sa Community-Based Monitoring System (CBMS) ng lokal na pamahalaan.
Gamit ang system-generated information mula sa CBMS, pinili ang mga low-income earners na sumasahod ng mababa sa anim na libong piso bawat buwan.
Kasama din sa listahan ng mga benepisyaryo ang mga displaced workers o trabahanteng nawalan ng trabaho.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Mayor Lechonsito ang mga tulong na ipinaparating at ihahatid pa ng DOLE para sa lungsod ng Tacurong.
“Aasahan ng DOLE na magiging katuwang ang ating lokal na pamahalaan sa mga programang magbibigay ng hanapbuhay o pangkabuhayan project para sa ating mamamayan”, pahayag ng alkalde.
Bilang payak na pasasalamat, ginawaran ni Mayor Lechonsito ng dalawang Plaque of Appreciation ang DOLE Regional Office 12 ganundin ang DOLE Sultan Kudarat Field Office. (ASF, LGU Information)
Scroll to top