Vermicomposting Technology bilang organikong pataba sa lupa, ibinahagi sa mga magsasaka ng Tacurong

Gamit ang mga kumikislot-kislot na uod na may rasang African Night Crawlers, nais ng Office for the Agricultural Services na pausbungin sa Lungsod ng Tacurong ang Vermicomposting Technology – isang organikong pamamaraan ng pagpapanumbalik ng pinakamainam na kalagayan ng lupa, gamit ang dumi ng mga uod, upang mas maging produktibo ang pagtatanim dito.

Sa isang Field Day na pinangunahan ng Agri Office nitong Enero 12, 2021 sa Brgy. Kalandagan, ipinaliwanag ni Lino E. Insularin, Agriculturist I, sa mga magsasaka sa syudad ang pamamaraan ng Vermicomposting Technology.

Nailahad dito na gamit ang mga tira-tirang gulay at prutas, pati na rin mga dumi ng mga hayop pansaka, maaring mapakain at maparami ang mga African Night Crawlers na kalaunan ay maglalabas ng kanilang sariling dumi. Ang mga duming ito na hahalo sa lupa kung saan sila inaalagaan ay tinatawag na Vermicast – ang pangunahing produkto ng Vermicomposting Technology.

Ang Vermicast ay isang organikong pataba sa lupa at mga pananim. Maari itong pumalit sa mga sintetikong pataba na may kamahalan ang presyo.

Pinaunlakan ni City Mayor Lino O. Montilla ang nasabing Field Day kung saan ibinahagi niya ang kanyang suporta at magandang balita sa mga magsasaka. Hinikayat din ni Mayor Lino ang mga ito na pag-igtingin ang pagtanim ng mga de kalidad na gulay at prutas nang sa ganoon ay maialok ang mga ito sa mga namumuhunan at nang sa kalaunan ay maging supplier ang iba sa mga magsasaka dito sa Tacurong.
Bilang panimula, magbibigay ang Agri Office ng libreng paunang suplay ng mga uod sa mga magsasakang mayroon ng handang lupa para sa mga ito.

Kasama rin si Acting City Agriculturist Ivan Gerry Arzagon at ang mga kawani ng Agri Office sa isinagawang pagpupulong sa mga magsasaka. (DEC, LGU-TacInformation)

Scroll to top