Open post

Seed Farm ng mura at dekalidad na binhi ng palay, ipinakita ng City Agri Office sa mga magsasaka ng Tacurong

Ipinakita ng Office for the Agricultural Services – Tacurong City sa mga magsasaka ng lungsod ang walong ektaryang taniman sa Prk. 4 at Prk. 3, Brgy. Rajah Muda kung saan isang Rice Seed Production Project ang sumisibol upang makapagparami ng sariling binhi ng palay ang Pamahalaang Lungsod ng Tacurong na kalaunan ay ibebenta sa mas murang halaga bilang tulong sa lokal na industriya ng pagsasaka dito sa syudad.
Sa City of Tacurong Demonstration Farm, isang Field Day nitong Biyernes, Enero 14, 2021, ang isinagawa para talakayin ang mga pamamaraan ng City Agri Office upang makapagpalaki ng mga dekalidad na binhi ng palay na nais nitong ialok sa mga magsasaka bilang kanilang panibagong pananim sa susunod na sakahan.
Mula sa kabuuang lawak ng taniman, pito’t kalahating ektarya lamang ang nakalaan bilang palayan kung saan ang mga lokal na magsasaka ng City Agri Office ay nagpapatubo at masusing nag-aalaga ng tatlong uri ng palay – NSIC RC 506, NSIC RC 438, at NSIC RC 440.
Pinag-usapan at nagbigay rin ng iba’t ibang payo at remedyo sa mga suliranin sa pagtatanim sina Acting City Agriculturist Ivan Gerry G. Arzagon at Farm Superintendent Amie D. Tomala.
Inaasahang sa darating na Pebrero ng taong ito aanihin ang mga palay na gagawing binhi at eksklusibong ibebenta sa mga magsasaka ng Tacurong sa mas mababang presyo kompara sa mga binhing nabibili sa merkado.
Isa ito sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni City Mayor Lino O. Montilla upang matugunan ang pangangailangan ng sektor ng agrikultura rito sa lungsod. (DEC-InfoLGU)
Scroll to top