Open post

Organic Rice Agriculture Technology, tinalakay sa Brgy. Lancheta

Sa patuloy na pagsisikap ng Office for the Agricultural Services ng Lungsod ng Tacurong na hikayatin ang mga lokal na magsasaka na tangkilikin ang organikong pagtatanim ng palay, isang Field Day ang isinagawa sa Kalingaw Farm, Brgy. Lancheta, para talakayin ang Organic Rice Agriculture Technology, Enero 21, 2022.

Isa sa mga ipinakitang pamamaraan ng organikong pag-aalaga ng palay ay ang paggamit ng Black Liquid Smoke bilang natural na pesticide. Ito ay isang organikong likido mula sa katas ng damo at iba-ibang pananim na pinausukan para maglabas ng itim na dagta na siya namang gagamitin para ibinyag sa mga pananim.

Ayon kay Estaniel Segocio, may-ari ng Kalingaw Farm at isang Organic Farm Practitioner, ang pamamaraang ito ay natutunan niya mula sa Don Bosco Cooperative – isang kompanya na tumutulong sa kanila na palaguin ang organic farming.

Natalakay rin ang Vermicomposting Technology na isa ring organikong pamamaraan ng pagtatanim gamit ang dumi ng mga uod bilang pataba.

Pinangunahan ni Acting City Agriculturist Ivan Gerry G. Arazagon ang nasabing Field Day at pinangasiwaan din nito ang isang open forum para malayang makapagtanong o makapagpahayag ng saloobin at mungkahi ang mga magsasaka.

Bilang kahalili ni City Mayor Lino O. Montilla, dumalo rin sa pagtitipon sina City Councilors Carlos Borromeo P. Segura Jr. at Geronimo Arzagon para magbigay ng suporta.

Kasama rin bilang panauhin ang iilan sa mga Agricultural Technologist ng iba’t ibang barangay ng lungsod. ((DEC, Tac-Info)

Organic Black Rice ang pangunahing produkto ni Ginoong Segocio sa 1.6 ektaryang taniman nito sa Brgy. Lancheta.

Mayroon na ring Good Agriculture Practice (GAP) Certification ang Kalingaw Farm, patunay na sa organikong pagtatanim, dekalikad at ligtas sa kalusugan ang mga produkto ng nasabing taniman. (DEC, Info-LGU)

Scroll to top