Open post

Tulong pinasyal, inihatid ng LGU-Tacurong sa mga nasalanta ng Bagyong Odette sa Surigao City

Limang tseke na may kabuuang halagang P350,000 ang personal na inihatid ng LGU-Tacurong sa Surigao City at mga kalapit na bayan nito bilang tulong sa kanilang pagbangon mula sa hagupit ng Bagyong Odette, Enero 13-15, 2022.
Nakatanggap ng P100,000 na halaga ng tseke ang Surigao City ganoon na rin ang Bayan ng Dinagat. Samantala, ang mga munisipyo naman Basilisa, Lijo, at Del Carmen ay tig-iisang nabigyan ng P50,000.
Pinangunahan ng Sangguniang Panlungsod ng Tacurong, sa katauhan nina City Councilors Carlos Borromeo P. Segura Jr., David E. Salazar, at Michelle T. Casador, ang pagdadala ng mga tulong pinansyal na ito sa mga lugar ng Caraga Administrative Region.
Kasama rin sa grupong dumating sina Renante Mercado at Marnie Pamposa na kinatawan ng Tacurong City Employees Association ganundin si Norigen Diesto na kinatawan ng City CDC.
Ang tulong pinansyal na ipinamahagi ay nalikom mula sa mga empleyado ng LGU-Tacurong sa pamumuno ni City Mayor Lino O. Montilla at ang ilang porsyento nito ay mula naman sa City Cooperative Development Council ng Tacurong.
Personal na tinanggap ni Surigao City Mayor Ernesto Matugas Jr. sa kanyang opisina ang mga bisita mula sa Tacurong.
Kasama ng alkalde ang kanyang City Administrator na si Atty. Jerry Centro at Lolita Go ng DILG CARAGA Employees Union na sumalubong sa mga naghatid ng tulong mula sa LGU-Tacurong.
Samantala, ang ibang tseke naman ay ipinagkatilawala muna sa City Local Government Operations Officer ng Lungsod ng Surigao na siyang magbibigay at magdadala sa mga munisipyo ng mga nabanggit na bayan sapagka’t hindi nagawang sumipot ng mga kinatawan nito dahil sa iilang paghihigpit sa pagbabyahe gawa na rin ng pinsala ng bagyo. (DEC,LGU-TacInfo)
Scroll to top