Open post

Tulong pinasyal, inihatid ng LGU-Tacurong sa mga nasalanta ng Bagyong Odette sa Surigao City

Limang tseke na may kabuuang halagang P350,000 ang personal na inihatid ng LGU-Tacurong sa Surigao City at mga kalapit na bayan nito bilang tulong sa kanilang pagbangon mula sa hagupit ng Bagyong Odette, Enero 13-15, 2022.
Nakatanggap ng P100,000 na halaga ng tseke ang Surigao City ganoon na rin ang Bayan ng Dinagat. Samantala, ang mga munisipyo naman Basilisa, Lijo, at Del Carmen ay tig-iisang nabigyan ng P50,000.
Pinangunahan ng Sangguniang Panlungsod ng Tacurong, sa katauhan nina City Councilors Carlos Borromeo P. Segura Jr., David E. Salazar, at Michelle T. Casador, ang pagdadala ng mga tulong pinansyal na ito sa mga lugar ng Caraga Administrative Region.
Kasama rin sa grupong dumating sina Renante Mercado at Marnie Pamposa na kinatawan ng Tacurong City Employees Association ganundin si Norigen Diesto na kinatawan ng City CDC.
Ang tulong pinansyal na ipinamahagi ay nalikom mula sa mga empleyado ng LGU-Tacurong sa pamumuno ni City Mayor Lino O. Montilla at ang ilang porsyento nito ay mula naman sa City Cooperative Development Council ng Tacurong.
Personal na tinanggap ni Surigao City Mayor Ernesto Matugas Jr. sa kanyang opisina ang mga bisita mula sa Tacurong.
Kasama ng alkalde ang kanyang City Administrator na si Atty. Jerry Centro at Lolita Go ng DILG CARAGA Employees Union na sumalubong sa mga naghatid ng tulong mula sa LGU-Tacurong.
Samantala, ang ibang tseke naman ay ipinagkatilawala muna sa City Local Government Operations Officer ng Lungsod ng Surigao na siyang magbibigay at magdadala sa mga munisipyo ng mga nabanggit na bayan sapagka’t hindi nagawang sumipot ng mga kinatawan nito dahil sa iilang paghihigpit sa pagbabyahe gawa na rin ng pinsala ng bagyo. (DEC,LGU-TacInfo)
Open post

141 displace freelancers sa Tacurong, sumahod sa emergency employment ng DOLE, LGU

Isang Wage Payout o pagpapasahod ang muling isinagawa ng Department of Labor and Employment Region XII–Sultan Kudarat (DOLE XII–Sultan Kudarat) at Pamahalaang Lokal ng Tacurong para sa 141 Displaced Freelancers na benepisyaryo ng emergency employment ng DOLE XII at LGU-Tacurong dito sa lungsod, Enero 6, 2021, sa Tacurong Pilot Elementary School Gymnasium.
Tig-iisang tumanggap ng sweldong nagkakahalaga ng P3,360.00 ang 141 benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD, na kanilang makukuha sa RD Pawnshop gamit ang mga Reference Numbers na bigay ng DOLE XII. Ito ay katumbas ng sampung araw nilang pagsasagawa ng Backyard Gardening sa kani-kanilang mga bakuran bilang itinalagang gawain ng DOLE XII para sa naturang emergency employment.
Ang pondong isinahod ng mga benepisyaryo ay nagmula sa DOLE na hiniling ng tanggapan ni Senador Joel Villanueva.
Personal na dinaluhan ni Mayor Lino ang nabanggit na payout kasama sina Vice Mayor Lalaine J. Montilla; City Councilors Welson Ferrer at David Salazar, Committee Chair on Labor and Employment ng Tacurong; Brgy. Kagawad Jonathan Salazar ng Poblacion; at Senior Labor and Employment Officers Danica Joy D. Animas at Mikki Rubbins A. Cajandig na kumatawan kina DOLE XII Regional Director Raymundo Agravante at DOLE-Sultan Kudarat Provincial Head Mary Jane C. Hoksuan.
Sa kanyang mensahe, ipinarating ni Mayor Lino na isa lamang ito sa patuloy na mga hakbang ng LGU upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga trabahante sa lungsod na naapektuhan nitong pandemya.
Ibinahagi rin ni Mayor Lino na ang New City Commercial Corporation (NCCC) ay malapit nang magtayo ng isang Hypermarket sa Tacurong. Nakipag-ugnayan na si Mayor Lino sa pamunuan nito na kung maaari, bigyang prioridad ang mga Tacurongnon na maging empleyadong kukunin at ilalagay ng NCCC sa kanilang Hypermarket dito sa lungsod.
Matatandaang noong nakaraang Setyembre 29, 2021, 248 ng mga manggagawang napapasailalim sa Personal Care Services sector at naapektuhan ng General Community Quarantine noong Hunyo rin ng nakaraang taon, ang binigyang sahod ng LGU-Tacurong na may halagang limang libo mula mismo sa sariling pondo ng LGU.
Ang mga displaced freelancers na nakatanggap ng sweldo ay kinabibilangan ng mga event organizers, photographers, massage therapists, barbero, at manikyurista na hindi nakasali sa unang pamamahagi ng ayuda ng LGU. Kasama na rito ang mga senior citizens at visually impaired therapists sa Tacurong. (DECostas, LGU-Information)
Scroll to top