Ang Tacurong City Office for the Development of Cooperatives (ODC) ay ang nag-iisang Cooperative Training Provider na accredited ng Cooperative Development Authority sa lalawigan ng Sultan Kudarat, ayon sa report ni City Coop Officer Nestor Leguro noong Agosto 18, 2014.

Ayon kay Leguro, ang ODC ay nakapagsagawa na ng 12 cooperative training-seminars mula Enero ngayong taon. Ang mga seminars na ito ay nilahukan ng 455 cooperative members mula sa Tacurong at mga karatig bayan tulad ng Lebak, Kalamansig, Esperanza, Bagumabayan, Isulan, Lambayong, at Columbio.

Sa kabilang banda, ang Cooperative Livelihood Assistance Program ay nakapagbigay na ng tig-200 libong piso sa tatlong primary cooperatives dito sa lungsod ngayong taon. Dalawa pang kooperatiba ang nagpoproseso ng aplikasyon para makatanggap din ng nasabing assistance.

Ayon pa kay Leguro, ang City Cooperative Development Council na sinusuportahan ng LGU ang isa sa pinaka-aktibo at liquid in terms of funds sa buong rehiyon.

Sa Tacurong, mayroong 18 aktibong kooperatiba. Umabot na sa 6, 601 ang cooperative membership noong 2013. Ang kabuuang kita ng mga kooperatiba ay umabot na sa 24.45 milyong piso noong 2013.

“Dito natin makikita ang ambag ng sektor ng kooperatiba sa ating lungsod, kaya naman malaki din ang suportang ibinibigay ng LGU sa kanila,” pahayag ni Leguro.

Siniguro naman ni Mayor Lina O. Montilla ang patuloy na pagpapatatag ng mga programang pang-kaularan para sa iba’t ibang sektor sa lungsod. (LGU-Tacurong City Information)