Nakapagtala ng 99% coverage ang syudad ng Tacurong sa pagsasagawa ng Measles-Rubella (MR) mass immunization noong Setyembre 2014.

Ibig sabihin, 10,726 kabataang nasa edad 9 na buwan hanggang limang taon sa 20 barangay ng Tacurong ang nabakunahan laban sa MR.

Ang 99% coverage ng Tacurong ay higit sa 95% target ng Department of Health sa bansa para sa pagsasagawa ng MR mass immunization sa buong buwan ng Setyembre 2014.

Samantala, 96% o 12,211 kabataang edad 0 hanggang limang taon ang nabigyan ng oral polio vaccine (OPV) sa syudad sa loob din ng nasabing buwan.

Ang mass immunization ay isinagawa ng Tacurong Office for City Health Services, Nurse Deployment Program ng DOH, at ng mga community volunteer health workers sa bawat barangay.

Upang malagpasan ang target, nagtalaga ang lahat ng barangay ng vaccination posts. Para naman sa mga purok o lugar na mataas ang risk ng MR-OPV, ang mga health workers ay nagbahay-bahay upang mabakunahan ang lahat ng batang pasok sa target na gulang.

Matatandaang sa Tacurong ginanap ang kick-off activity ng MR-OPV provincial mass immunization ng Sultan Kudarat noong ika-29 ng Agosto, 2014.

Sa nasabing programa, ipinahayag ni DOH XII Regional Director Teogenes Baluma ang kanyang tiwalang mahihigitan ng Tacurong ang 95% national target para sa nasabing mass immunization.

Idinagdag pa nyang kapag nahigitan ang national target ay mabibigyan ng pabuyang P50,000.00 ang LGU.

Ang mass immunization ay nagsilbing supplemental activity sa regular na immunization services na ibinibigay ng local health centers. Ang proyektong ito ay inilunsad upang pababain nang tuluyan ang mga kaso ng measles. Ito rin ay isang hakbang sa pagkamit maging polio-free ang bansa.