Pitumpu’t-tatlong mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Tacurong ang tumanggap ng Loyalty Service Memorabilias bilang papuri at pagkilala sa matagal na mga taong ginugol nila bilang mga lingkod-bayan.

Pinangunahan ni Mayor Lina Montilla ang paggawad ng loyalty awards sa mga kawaning naglingkod sa loob ng sampu hanggang 40 taon. Ang pagbibigay-parangal sa mga kawani ay iniaatas sa ilalim ng Programs on Awards and Incentives for Service Excellence o PRAISE ng lokal na gobyerno.

CSC Loyalty_Tacurong

Sa tulong ni Konsehal Benjamin Fajardo Jr. na siyang Sangguniang Panlungsod Committee Chairman on Civil Service, ipinatupad ng City Human Resource Management Office ang enhanced loyalty service awards kung saan hindi lamang loyalty pins at rings kundi bracelets at necklaces ang matatanggap ng mga matagal na sa serbisyo.

May kabuuang 31 mga kawaning naglingkod sa loob ng sampung taon ang nabigyan ng loyalty pins at cash incentives na nagkakahalaga ng sampung libong piso bawat isa. Samantala, walo naman ang nabigyan ng 12-carat Theseus Rings para sa 15 taon nilang paglilingkod. Pito naman ang nabigyan ng 14-carat L4 Barrel Rings sa 20 taon nilang serbisyo sa pamahalaan.

Mga 14-carat bracelets naman ang natanggap ng mga umabot na sa 25 years in service at 18-carat round flat ring naman ang natanggap ng mga nasa 30 taong serbisyo na. May pito namang umabot na sa 35 taon ang serbisyo at tinanggap ng bawat isa ang 14-carat na kuwintas kasama na 18-carat pendant nito.

Pinakamalaki naman ang natanggap ng dalawang kawani na umabot sa 40 taon ang kanilang serbisyo sa lokal na pamahalaan. Ang mga ito ay sina City Budget Officer Nestor Nomananap at Economic Enterprise Management and Slaughterhouse (EEMS) staff na si Severo Becodo. Tumanggap ang bawat isa sa kanila ng 14-carat na kuwintas at 18-carat pendant na nagkakahalaga ng mahigit sa 30 libong piso.

Samantala, pinuri naman ni Mayor Lina Montilla ang mga kawaning nabigyan ng parangal. Ayon sa alkalde, ang natanggap na loyalty service memorabilias ng 73 na mga kawani ay isang simpleng pagkilala ng LGU sa mga magagandang naiambag nila sa pag-unlad ng lungsod.

Kasabay dito, hinikayat ng alkalde ang naturang mga empleyado na mas galingan pa ang pagbibigay nila ng serbisyo sa bayan upang patuloy silang maging mabubuting halimbawa ng mga makabagong henerasyon ng mga lingkod-bayani. (LGU Tacurong City Information)