Sa biglaang pagpanaw ng kanyang mister noong taong 2009, hindi nagdalawang-isip si Nanay Enrica Doctor na ipagpatuloy ang pagbabalut.

Hanggang ngayon, sa edad na 67, mag-isa nyang tinutulak ang karitong naglalaman ng panindang balut, mga kendi, at softdrinks mula sa kanilang bahay papunta sa highway.

Nagsimulang magtinda ng balut sa Tacurong si Nanay Enrica at ang kanyang asawa noong taong 2000. Sa puhunang P500, nagtinda ang mag-asawa ng kendi at balut gamit ang isang maliit na mesang may bubong na plastic. Magdamag ang kanilang pagtitinda na minsan ay umaabot hanggang alas-dos ng umaga.

Aktibo silang miyembro ng Tacurong Balut Vendors’ Association. Kaya naman nang mapagkasunduan ng asosasyon na lagyan ng mga gulong ang kanilang mga munting tindahan sa daan, hindi sila nag-atubili. Ayon kay Nanay Enrica, gumastos silang mag-asawa ng P3,000 para dito.

Kahoy ang gulong ng tindahan ni Nanay Enrica kaya naman madalas daw itong nasisira. “Kung may mga bato, amo na maguba sya dayon (Kung may mga batong nadadaanan, nasisira agad),” pagbabahagi niya.

Dagdag man sa gastos ang laging pagpapaayos ay wala syang magawa dahil ito lamang ang kanyang pinagkakakitaan.

Gawa lamang sa tagpi-tagping tarpaulin o trapal ang bubong ng kanyang tindahan. Kapag umuulan, sumisilong si Nanay Enrica sa malapit na gusali at iniiwan ang kanyang paninda.

Mabasa guid ang mga baligya ko pero hindi ko man kaya himuson dayon lalo kung bigla ang ulan (Nababasa talaga ang mga paninda pero hindi ko naman mailigpit kaagad lalo kung biglaan ang ulan),” wika niya.

“Kis-a nagabalintong pa ang baligya namon kung kusog ang hangin (Nabubuwal din ng malakas na hangin ang mga paninda namin),” dagdag pa nya.

Bagong Nego-Karts

Noong 2014, ipinaabot ni Mayor Lina O. Montilla ng Tacurong sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanyang kagustuhang tulungan ang balut vendors sa Tacurong.

Nakita ko ang kapisan sang aton mga balut vendors kada hapon nga mag-agi ako sa highway. Nakita ko nga wala sila mga salakyan nagadala sang ila mga tinda (Nakita ko ang pagsisikap ng mga balut vendors tuwing dumadaan ako sa highway. Nakita kong wala silang sariling mga sasakyan upang madala ang mga paninda nila),” wika ni Montilla.

Kasunod ng ilang pag-uusap sa pagitan ng DOLE at LGU, tinulungan ng Tacurong Public Employment Service Office (PESO) ang Balut Vendors Association sa paggawa ng isang proposal para sa Nego-Kart project. Agad itong inaprubahan ng DOLE at pinondohan ng P749,000 sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program o DILEEP.

IMG_3065 IMG_3201

 

Hindi maitago ang tuwa ni Nanay Enrica dahil sa kanyang bagong Nego-Kart. Sa araw ng turn-over ceremony, ika-20 ng Nobyembre 2015, makikita syang nakapwesto na sa kanyang Nego-Kart tulad ng iba pang balut vendors.

Ang bawat Nego-Kart na nagkakahalaga ng P14, 980 ay mayroong bagong bisikleta, sidecar, tatlong tray ng balut, rechargeable lamp, at dalawang case ng softdrinks. Nagbigay din ng dagdag na tatlong case ng softdrinks at cooler ang Pepsi-Cola Philippines.

Ini nga bulig para sa mga mapisan naton nga balut vendors. Tani tipigan nila ini kag papag-unon pa guid (Ang tulong na ito ay para sa masisipag nating balut vendors. Sana ay ingatan nila ito at lalo pang pagtibayin),” wika ni Mayor Montilla.

Hindi man daw alam ni Nanay Enrica ang magiging epekto ng bagong Nego-Kart sa kanyang kita, hindi nya mapigilan ang kanyang kasabikan sa ginhawang dulot nito. “Mas madali na, kay tong kariton mabudlay itiklod lalo kung nagakaguba,” ayon kay Nanay Enrica.

Minsan man ay nanghihina dahil sa katandaan, bakas sa mga mata ni Nanay Enrica ang determinasyong ipagpatuloy ang kanyang pagsisikap. Ngayon, isang bagong pag-asa ang hatid ng kanyang bagong padyak.

(JLBillano-Fabreag, LGU-Tacurong City Information)