Iginawad ni Mayor Angelo ‘Roncal’ Montilla ang P300,000 na tulong-pinansiyal sa mga kasapi ng Goodwill Gardeners’ Association ng Lungsod ng Tacurong sa isang simpleng seremonya sa command post ng Incident Management Team nitong umaga.

Ang tulong ay bahagi ng Sustainable Livelihood Project (SLP) Fund ng lokal na pamahalaan ng Tacurong na pinangangasiwaan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

Naiiyak naman na nagpasalamat ang association president na si Ginang Susan Sarmiento sa tinanggap nilang tulong mula sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Tacurong.

“Hindi po namin inaasahan na ang katulad naming mga maliliit na manggagawa ay mabibigyan ng ganitong kalaking tulong mula sa pamahalaan”, ayon kay Ginang Sarmiento.

“Lubos po ang aming pasasalamat kina Mayor Roncal Montilla at Councilor Geronimo Arzagon dahil nabigyan ng katuparan ang aming hiling”.

Pinasalamatan din niya ang mga naiambag na tulong nina Executive Assistant to the mayor Rogelio Garcia, CSWD Officer Eufemia Robles, at CSWDO-Livelihood Section Head Josephine Ubaldo.

Ang asosasyon ng mga hardinero at hardinera ay binubuo ng 25 mga kasapi mula sa iba’t-ibang barangay ng lungsod.

May mga puwesto sila ng kani-kanilang paninda malapit sa Tacurong City Integrated Public Terminal sa Barangay New Isabela.

Sinabi ni Ginang Ubaldo na may susunding panuntunan sa naibigay na tulong-pinansyal. Isa umano itong loan o pautang na babayaran sa loob ng apat na taon nang walang interes.

Sinusunod umano nito ang loan scheme na ipinapatupad sa ilalim ng dating Self-Employment Association-Kaunlaran (SEA-K) na ngayon ay kilala na sa tawag na SLP.

Naitatag ang Goodwill Garderners’ Association noong 2019 at maliban sa pagiging kasapi ng LGU-accredited Civil Society Organization, rehistrado na rin ito sa Department of Labor and Employment. (LGU-Information)