Share this on

Bilang paggunita sa ika-70 anyos mula nang maging munisipyo ang Tacurong, isang Misa ng Pasasalamat na pinangasiwaan nina Rev. Fr. Allen L. Polaron, DCC at Rev. Fr. Andrean P. Francisco, DCC, ang inialay nito mismong Anibersayo ng Pagkakatatag, Agosto 3, 2021.

 

Kasama ang temang “Kabakud kag paghiliusa sa tunga sang mga hangkat sang pandemya”, binigyang diin ng mga pari mula sa Nuestra Señora Dela Candelaria na ang pandemyang hatid ng COVID-19 ay isang pagsubok lamang mula sa Maykapal at isang paraan para tayo ay maging matatag at magkaisa sa likod ng mga hamon nitong dala.

Ipinapaalala nila na ang ating paniniwala at pananampalataya sa Diyos, kasama na ang pagsunod sa mga alituntuning itinakda ng ating gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng sakit, at lalong-lalo na ang pagpapabakuna kontra COVID-19 ang mga tanging paraan lamang na makakapag-alis sa atin mula sa suliraning ito.

 

Ipinagdasal din at pinasalamatan ang mga yumaong lideres ng syudad na siyang nagserbisyo’t nag-umpisa ng kaayusan lalong-lalo na ang kamakailan lang pumanaw na Alkalde ng Tacurong, Hon. Angelo “Roncal” O. Montilla, at ang mga Punong Barangay ng Brgy. Calean at Brgy. Tina, Hon. Nelson Pampag at Hon. Ma. Lourdes Bogador.

Dumalo sa pagdiriwang ang mga opisyales ng lungsod at mga barangay na pinangunahan ng kasalukuyang Alkalde, Hon. Lino O. Montilla, at Bise Alkalde, Hon. Lalaine J. Montilla, kasama na rin ang Sangguniang Kabataan Federation ng syudad at mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Tacurong. Nagpaunlak din ng kanyang presensya at nakibahagi sa misa ang dating Alkalde ng Tacurong, Hon. Lina O. Montilla.

 

Ang nasabing Misa ng Pasasalamat ay inipinalabas din bilang livestream sa Facebook Page ng lungsod para makasali rin sa selebrasyon ng salita ng Diyos ang mga residente ng Tacurong sa kani-kanilang mga sariling tahanan. (DECostas, LGU-TacInformation)