Kailangan mo ba ng hearing test o physical assessment?

Maaring pumunta sa Sultan Kudarat Doctors Hospital, Tacurong City upang matingnan ng audiologists at physical therapists ng Davao Jubilee Foundation (DJF) tuwing ikalawang Byernes ng bawat buwan (2nd Friday of the month).

Ang DJF ay nagsimulang magsagawa ng hearing test, hearing aid fitting, newborn hearing screening, auditory brainstem response, at physical assessment sa syudad noong Hulyo 2014. Ang physical assessment ay isinasagawa para sa mga pasyenteng may orthopedic disabilities tulad ng mga amputees o polio victims.

Sa gawaing ito, katuwang ng DJF ang Sultan Kudarat Doctors Hospital at pati na rin ang City Social Welfare and Development Office ng local na pamahalaan ng Tacurong.

_MG_3029

“Noon, pumupunta pa tayo sa Davao City para sa check-up ng ating mga indigent persons with disabilities sa DJF. Ngayon, mas madali na para sa kanila ang proseso dahil mas pinalapit na ang mga serbisyo,” ayon kay Kathy Mae Catalan, focal person ng PWDs sa CSWD-LGU Tacurong.
Para sa mga natutukoy na indigent PWDs sa Tacurong, nagbibigay ang CSWD ng referrals sa DJF, PCSO at iba pang organisasyon upang malibre ang mga kinakailangang serbisyong medikal.

Nagpapasinaya din ang DJF at CSWDO ng pagbibigay ng libreng mga hearing aids sa mga nangangailangang PWDs. “Umaabot ng isang buwan o mahigit ang proseso ng pagbibigay ng hearing aids. Nagsisimula ito sa hearing test, molding at fitting. Ang mga resulta ay ipinapadala sa Luzon upang magawa,” ayon kay Pia Zaño, audiologist ng DJF. Sa pamamagitan ng prosesong ito, mas tiyak na epektibo at pangmatagalan ang mga hearing aids ng bawat pasyente, dagdag pa nya.

Matatandaang nagbigay ng P350,000 budget ang LGU-Tacurong para sa sektor ng PWDs ngayong 2014. Ngayong taon din naitatag ang Tacurong City Committee on Disability Affairs na syang tututok sa mga isyu at pangangailangan ng mga taong may kapansanan sa syudad. Ang TCCDA ay pinangungunahan ni Mayor Lina O. Montilla bilang chairperson.

Patuloy ang pakikipagtulungan ng LGU sa Davao Jubilee Foundation sa mga hakbangin nito para sa PWDs sa syudad. Noong Disyembre 2013, pumirma ang Davao Jubilee Foundation at LGU Tacurong sa isang Memorandum of Agreement para sa Community-based Rehabilitation sa 20 barangay ng syudad. (LGU-Tacurong City Information)