Share this on

Labing-limang nanay na kabilang sa First 1000 Days (F1KD) Program sa lungsod ng Tacurong ang lumahok sa 10 araw na skills training sa paggawa ng bread at pastries, mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 11, 2021 sa South Central Mindanao College of Science and Technology.

 

Katuwang ang City Nutrition Council, pinangunahan ng City Social Welfare and Development Office ang pagbibigay ng kasanayan sa 15 nanay mula sa iba’t ibang barangay sa syudad sa pagnanais na magkaroon sila ng pagkakataong makapagsimula ng sariling negosyo.

Kasabay ng naturang skills training, ang mga nanay ay natuto sa paggawa ng ‘nutrition buns’ na kanilang magiging pangunahing produkto.

 

Upang lalong makatulong ang Pamahalaang Lokal ng Tacurong sa mga F1KD nanay, ang mga ‘nutri-buns’ na kanilang magagawa ay bibilihin ng pamahalaan, na siya namang ipapamahagi sa ang mga ‘lactating mothers’ o mga nanay na may mga pinapasusong sanggol sa kasulukuyan para magabayan ang kanilang kalusugan at mas dumami ang kanilang gatas na nailalabas.

Ang pagsasanay ay isang hakbang para sa pagpapatuloy at pagpapanatili ng F1KD program sa Tacurong at ito’y nagmula sa pakikipag-ugnayan ng LGU sa City Nutritionist at sa mga Barangay Nutrition Scholar. Kaakibat nito ang isinagawang Training Needs Analysis  kung saan ang Bread and Pastry Skills Training ang nakitang pinakamainam na programa para sa mga F1KD nanay.

 

Ang inisyatibo ring ito ay isang Locally Funded Project sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program. Kasama rin ang bawat barangay ng mga nanay na nagbigay ng suporta at tulong sa kanila.

Kasunod ng kanilang pagsasanay at sa nakatakda nilang ‘Graduation Day’ sa Disyembre, ang mga F1KD nanay ay pagkakalooban ng Starter Kits na may kasamang Oven at Kabinet para sila ay magamit sa pagluluto at may mapaglagyan ng kanilang produkto.

 

Ang puwesto rin kung saan sila pupwedeng magbenta ay inaasikaso na rin para sa kanila. (DECostas, LGU-TacInformation)