11.04.2019 | Mahigit 300 mga buntis mula sa ibat ibang barangay ng lungsod ng Tacurong ang dumalo sa launching program ng First 1000 Days Law at roll-out ng Urban Nutrition Governance Program kaninang umaga sa City Cultural and Sports Center.

Pinangunahan ni Mayor Angelo Montilla ang naturang launching program kasama ni Vice Mayor Lino Montilla at iba pang lokal na opisyal ng LGU at iba pang stakeholders.

Sa unang isandaang araw ng kanyang panunungkulan, kasali sa flagship agenda ni Mayor Montilla ang programang pangnutrisyon.

Nagkataon namang isa ang lungsod ng Tacurong sa tatlong pilot cities (Tagum at Puerto Prinsesa) sa Urban Nutrition Program ng Zuellig Family Foundation at Nutrition International, programang nakakabit sa naisabatas na F1KD Law.

Ang First 1000 Days Law na nilagdaan bilang batas noong Nobyembre 2018 ay naglalayon na isulong ang kakusugan ng buntis na nanay simula sa unang buwan ng pagbubuntis hanggang sa panganganak at hanggang sa ikalawang taong gulang ng bata.

Sa launching program kaninang umaga, ibat ibang lectures ang narinig ng mga buntis mula sa mga doktor na espesyalista sa pediatrics at obgyne.

Maliban sa libreng laboratory services para sa mga buntis, nagkaroon din ng raffle draw kung saan mahigit tatlong daang premyo din ang nakalaan.

May poster-making contest din na isinagawa na nilahukan ng mga artist students mula sa iba’t-ibang paaralan.

Samantala, dumating din sa launching kanina ang mga opisyal ng Zuellig Family Foundation kasama na ang kanilang nutrition consultant na si Doctor Corazon VC Barba na nagbigay don ng lecture.

Kabalikat din ng LGU sa programang Urban Nutrition Program ang DILG, DOH, National Nutrition Council, at Liga ng mga Barangay.

Sa susunod na mga araw, ibababa na ng city government ang nutrition program sa 20 barangay ng lungsod. (ASF, LGU Information)