Mga bahaing lugar sa Tacurong, nilibot ng MGB 12, LGU

Share this on
Bilang hakbang sa pagpapataas ng kahandaan laban sa mga kalamidad katulad ng baha at pagguho ng lupa (landslide), ang Pamahalaang Lungsod ng Tacurong sa tulong ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) at Mines and Geosciences Bureau Region XII (MGB 12) ay nagsagawa ng paglilibot at geotagging sa mga bahaing lugar sa Tacurong, Enero 3 hanggang Enero 25, 2022.
Ang geotagging ay isang makabagong paraan ng pagkilala ng katangian at pagbibigay ng datos sa iba’t ibang lugar sa mapa sa pamamagitan ng paggamit ng modernong kagamitan katulad ng drone, kamera, at mga instrumentong mayroong Global Positioning System (GPS).
Pangunahing layunin ng aktibidad na ito ay upang madagdagan ng LGU at CDRRMO ang mga impormasyon nito tungkol sa mga lugar sa lungsod na maituturing na bahain at madaling gumuho sa panahon ng pag-ulan.
Pagkatapos ng paglilibot ng grupo sa 20 barangay ng Tacurong, ayon sa inisyal na obserbasyon ng Geologist II ng MGB 12, Tristan E. Dela Cruz, iilan sa mga barangay na napapabilang sa madaling gumuhong lugar sa lungsod ay ang Brgy. New Passi, Brgy. Lancheta, at Brgy. Kalandagan.
Samantala, isa naman sa mga madaling bahaing lugar ay ang Brgy. Rajah Muda.
Ang mga datos at impormasyon na nakalap ng LGU at MGB 12 ay gagawing basehan ng CDRRMO sa pagpapaigting ng kanilang serbisyo sa pagtugon sa mga sakuna at kalamidad.
Ang resulta rin ng gawaing ito ay magbibigay sa ating pamahalaan ng aktwal na sitwasyon ng ating lungsod upang makapaglaan ito ng pondo at mga programa para sa pag-iwas sa mga baha at pagguho ng lupa.
Bago naglibot ang grupo sa lungsod, nagsagawa muna ng isang courtesy visit ang mga kawani ng MGB 12 kay City Mayor Lino O. Montilla na siya namang nagbigay ng go-signal at suporta sa initiatibong ito.
Sa bawat barangay rin, isa-isa munang hiningi ang pahintulot ng bawat Punong Barangay bago naipatupad ang geotagging. (DEC, LGU-TacInfo)
Scroll to top