Nakuha ng Local Government Unit (LGU) ng Tacurong ang mataas na satisfaction rating mula sa mga mamamayan ng lungsod na nakatanggap ng mga serbisyo nito.

Ito ang lumabas na resulta sa ulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Central Office sa idinaos na Utilization Conference noong Hulyo 31, 2014 sa Felra Suites, lungsod ng Tacurong.

Sa panig ng DILG Manila, dumating sina Anna Liza Garcia at Mia Carla Mogueis. Dumalo din sa naturang conference ang mga kinatawan ng DILG Regional at Provincial Offices. Pinangunahan naman ni Mayor Lina Montilla ang mga lokal na opisyal at mga pinuno ng iba’t-ibang tanggapan ng LGU para makinig sa iniulat ng DILG. Nasa konperensiya din ng mga kinatawan ng mga Civil Society Organizations (CSO).

Magugunitang noong nakaraang mga buwan, pumunta ang dalawang kinatawan ng DILG Central Office sa lungsod ng Tacurong para magsagawa ng survey na naglalayong masukat ang kasiyahan o satisfaction ng mga mamamayan sa ibat ibang serbisyong ibinibigay ng lokal na pamahalaan.

Isang survey tool ang ginamit ng DILG kung saan kagaya ito ng mga ginagamit din sa surveys ng Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia. Naging kasama ng DILG ang Notre Dame of Tacurong College (NDTC) na syang independent Local Research Institute para magsagawa ng survey. Mayroong 150 respondents o mga mamamayan ang ininterbyu mula sa 16 na barangay ng Tacurong.

Walong sektor ang pinagtuunan ng pansin sa survey. Ito ay ang mga sumusunod: health, agricultural support, tourism promotion, environmental management, social welfare, governance and response, at public works and infrastructure.

Lumabas naman sa survey na sa lahat ng serbisyong naibigay sa mga respondents, lahat sila ay nakuntento o nasiyahan dahilan sa HIGH SATISFACTION rating na nakuha ng LGU.

Samantala, lumalabas naman na mataas ang awareness level ng respondents sa health services subalit mababa sa mga sumusunod: agricultural support, tourism promotion, environmental management, social welfare, at education.

Kaugnay dito, sinabi ni Mayor Lina Montilla na gagawan ng LGU ng paraan na mapagtuunan ng kaukulang pansin ang ilang mababang resulta sa isinagawang survey.

Samantala, sinabi naman ng kinatawan ng DILG Central Office na sa kabuuan, nasiyahan sila sa resulta ng citizen satisfaction survey sa Tacurong. Ayon sa kanila, bagamat may kababaan ang awareness level, mas mahalaga umano ang kasiyahan o satisfaction ng mga mamamayan sa mga serbisyong natatanggap nila mula sa lokal na pamahalaan. (LGU Tacurong Information)