Share this on

LGU TACURONG, MAS PINAIGTING ANG SURVEILANCE KASUNOD NG PAGKAROON NG KASO NG ASF SA LUNGSOD

Mas pinaigting ng City Veterinary Office at City Agriculture Office ang surveillance at monitoring para maagapan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) kasunod ng pagkakaroon ng kaso ng ASF sa tatlong barangay ng lungsod ng Tacurong.
 
Sa ulat ni City Veterinarian Allan Alimajen, Jr., nagkaroon ng unang kaso o index case ng ASF ang Barangay San Antonio kung saan kaagad na nagsagawa ng preemptive depopulation sa lahat ng baboy na nasa loob ng 500-meter radius mula sa lugar na pinagmulan ng kaso. Maliban sa depopulation, idineklara din na quarantine zone ang nasa loob ng one-kilometer radius at isinagawa ang surveillance at monitoring sa loob ng 7-kilometer radius mula sa lugar na pinagmulan ng kaso.
 
Ang depopulation o pagpatay sa mga baboy, ganundin ang sistema sa pagsagawa ng surveillance at quarantine, ay nakasaad sa Administrative OrderNo. 22, series of 2020 na inilabas ng Department of Agriculture.
 
Sa kasagsagan ng monitoring at surveillance, na-detect ang ilan pang kaso ng ASF sa dalawa pang barangay na kinabibilangan ng Kalandagan at Rajah Muda. Kaagad ding isinagawa ang preemptive depopulation sa naturang mga barangay, kalakip na ang muling pagsagawa ng protocol sa surveillance at monitoring.
 
Ilang pagpupulong na din ang idinaos ng Tacurong City ASF Task Force para sa mga hakbang na ginagawa at gagawin pa. Mahigpit din ang pakikipag-ugnayan ng local na pamahalaan sa mga hog raisers, opisyal ng mga barangay, at ganundin sa mga ahensiya ng gobyenro kagaya ng Provincial Veterinary Office, Bureau of Animal Industry, at Department of Agriculture Regional Office 12.
 
Ginagawan na din ng hakbang ng lokal na pamahalaan ang mga posibleng ayuda at tulong-pinansiyal na maaaring matanggap ng mga apektadong hog raisers o nag-aalaga ng baboy. Mas pinaigting din ang pagbabantay sa mga checkpoints sa lungsod para matutukan ang galaw o pagbiyahe ng mga baboy.
 
Samantala, nananawagan ni City Veterinarian Alimajen sa mga hog farmers, lalo na sa mga backyard hog raisers, na obserbahan ang kalusugan ng kanilang alagang baboy at ipagbigay-alam sa opisina ng City Veterinary kung nagkakasakit ang mga ito upang mapasailalim sa test o pagsusuri.
Ipinapaalala din ni Dr. Alimajen ang pagtalima sa mga biosecurity measures o pagsagawa ng mga hakbang para maiwasan ang pagpasok ng sakit sa mga alagang hayop. Isa sa mga hakbang na ito ay ang palagiang pag-disinfect o paglinis ng kulungan ng mga alaga. Maaari umanong makipag-ugnayan angmga hog raisers sa kanilang tanggapan o sa mga agricultural technicians sa kanilang barangay para mabigyan silang sapat na kaalaman.
 
Umaasa naman si Tacurong City ASF Task Force Chairperson at Mayor Joseph George Lechonsito na maiwasan ang lalo pang pagkalat ng ASF sa iba pang barangay dahil napakalaking dagok ito sa kabuhayan ng mga hog farmers at isang malaking banta sa ating food security. “Umaapila din ako ng suporta at kooperasyon ng mga mamamayan para sa paglaban natin sa pagsubok na ito”, ayon kay Mayor Lechonsito. (LGU City Information)
Scroll to top