Kauna-unahang animal pound sa lalawigan, nagbukas sa lungsod ng Tacurong

Share this on
Sa isang pagbabasbas na pinangasiwaan ni Rev. Fr. Salvador Robles, DCC, opisyal nang pinasinayaan ng Veterinary Services Office ng Lungsod ng Tacurong ang Animal Pound Facility sa Brgy. Kalandagan, Biyernes, Enero 21, 2022.
Layunin sa pagbubukas ng naturang proyekto ay sugpuin ang pagdami ng mga gumagalang aso sa mga pampublikong lugar sa lungsod at mabawasan ang kaso ng animal bites at rabies.
Ayon kay Dr. Yegor Ysmael B. Kadil, Assistant City Veterinarian, ang mga mahuhuling aso ay ikukulong sa pasilidad sa loob ng tatlong araw at hihintayin na kunin ng may-ari. Kapag wala namang lumitaw na may-ari at umangkin sa mga nahuli, maghihintay ng labing-isang araw ang City Veterinary Services Office upang maghanap ng pwedeng umampon sa mga nahuling aso.
Ayon naman kay Provincial Veterinarian Dr. Edwin Nacito ng Sultan Kudarat, ang naturang facility ay ang kauna-unahang animal pound sa lalawigan. May kakayahan itong magkulong ng dalawampo hanggang tatlumpong aso.
Inihayag din ni Dr. Nacito ang kanyang suporta sa proyektong ito. Sa katunayan, nangako siya na magbibigay ng sampung karagdagang animal cages para sa animal pound, at buwanang supply na isang sakong pagkain para sa mga aso.
Ang suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Tacurong at mensahe ni City Mayor Lino O. Montilla ay ipinarating naman ni City Councilor Welson Ferrer na siyang humalili sa pagdalo sa pagbabasbas. (FAR, Tac-LGUInfo)
Scroll to top