Pagkaraan ng mahabang taon ng pagbibigay ng boluntaryong trabaho sa kani-kanilang barangay, magkakaroon na ng buwanang sahod ang sampung barangay nutrition scholars (BNS) at barangay health workers (BHW) sa lungsod ng Tacurong dahil sa pagkaka-apruba ng kanilang job order (JO) status.

Simula unang araw ng Hunyo, nasa estado na ng JO ang limang BNS at limang BHW at bagamat kasama sila sa kategoryang ‘no employer-employee relationship’, malaking pagkakaangat ito sa dating ‘volunteer status’ nila.

Isa ang 63-anyos na si Ginang Daisy Agtoto sa BHW na nabigyan ng pagkakataon na maging JO worker.

Ayon sa kanya, sa mahigit sampung taon niya bilang BHW ng Barangay Griño, hindi na siya umaasa na mabigyan ng ganitong pagkakataon.

“Ilang barangay kapitan na rin ang aking napagsilbihan at mahabang taon na rin ang ginugol ko sa boluntaryong pagtatrabaho. Masaya ako at binigyan ako ni Mayor Angelo Montilla ng natatanging pagkilala sa aking ambag sa barangay”, ani Ginang Agtoto.

Ayon kay Mayor Montilla, ramdam niya ang kahalagahan ng trabaho ng mga BNS at BHW at simpleng pagkilala lamang sa kanilang kontribusyon ang pagpapaangat ng kaunti sa kanilang estado.

“Layon ko na sa isang taon, dalawampung BNS at BHW ang mabigyan ng JO status. Kung sapat ang pondo ng ating LGU, inaasahan ko na 60 sa kanila ang mabibigyan ng pagkakataong maging JO sa loob ng tatlong taon,” pahayag ng mayor.

Ayon naman kay City Nutrition Action Officer Rogelio Garcia, mayroong 35 na BNS sa mga barangay at mahigit isandaan naman ang BHW.

Idinagdag ni Garcia na dumaan sa mahigpit na pagsusuri ang application ng mga BHW at BNS at ipinasiguro na performance-based ang nangungunang basehan sa pagkakapili sa unang sampung nabigyan ng pagkakaktaon na maging JO workers.

“Mahalaga ang papel ng ating BNS at BHW lalo na at isa sa pilot cities ang ating lungsod sa Urban Nutrition Governance Program ng Zuellig Family Foundation at Nutrition International,” ani Garcia. (LGU Information)