Grasya.

Ito ang unang reaksyon ni Jimmy Pabular nang makita ang isang plastic na naglalaman ng halagang P13,500. Nakita nya ito habang naghahakot ng basura sa tapat ng St. Louis Hospital noong Disyembre 2014. Isa syang garbage collector ng Tacurong City Environment and Natural Resources Office o CENRO.

Garbage collector ng Tacurong CENRO na nagsauli ng napulot na pera, pinarangalan

“Naisip ko nga grasya e, pero gibulsa ko kag gi-turnover ko dayon sa amon opisina sa CENRO,” kwento ni Pabular.

Ang pera ay pag-aari ng burger station na binabantayan ng isang working student.

“Kung hindi po ito naisauli, hindi ko po talaga ito kayang bayaran kaya naman napakalaki ng pasasalamat ko sa mga tauhan ng CENRO sa magandang ginawa nila na pagbalik ng pera, walang labis at walang kulang,” ayon sa text message na ipinadala ng nasabing working student kay Mayor Lina O. Montilla.

Natanggap ng alkalde ang text message noong ika-5 ng Enero 2015.

“Nang ma-confirm na ng HR nga tuod ang ginahambal sang text message, nalipay guid ako. Nagdecide kami nga hatagan si Nong Jim sang cash incentive kag i-recognize man ang CENRO,” ayon kay Mayor Montilla.

Pinarangalan si Pabular at ang CENRO noong ika-12 ng Enero 2015 sa Monday flag-raising ceremony ng LGU.

Ang perang ibinigay kay Pabular ay mula mismo kay Mayor Montilla. “Bilang job order, hindi sakop ng ating incentive and awards program si Nong Jim, but he deserves our respect and admiration. Ang kwarta nga ini gamay lang kung ikumpara sa inspirasyon nga gihatag nya sa aton karon,” ayon kay Montilla.
(LGU-Tacurong City Information)