Nagsagawa ng Dengue Vector Surveillance ang Department of Health sa pamamagitan ng Sanitation Section of the Office for City Health Services (OCHS) noong ika-21 ng Nobyembre sa Barangay Poblacion.

Ang nasabing survey ay upang malaman kung may namamahay na mga kiti-kiti o larva ng dengue-carrying mosquitoes sa 100 bahay sa nasabing vulnerable area. Kapag may nakikitang kiti-kiti ay kumukuha ang health workers ng sample upang maisailalim sa larval classification. Ito ay upang malaman kung anong scpecies ng lamok ang namamahay sa lugar.

Nag-interview din ang health workers sa bawat household. “Nag-interview man kita para mabal-an kung nagalimpyo sila sa ila palibot nila kag kung aware sila sa aton nga dengue program,” ayon kay Marlow Anthony Buenacosa ng OCHS-Sanitation Section.

Naglagay ng stickers ang health workers sa bawat bahay na nainspeksyon. Dito nakasaad ang resulta at petsa ng inspeksyon. Pupunan uli ito ng mga health workers sa susunod na survey schedule.

Ang gawaing ito ay isinagawa upang ma-monitor at mapigilan ang pagdami ng lamok na nagdadala ng dengue.

Ayon sa DOH, importanteng laging malinis ang kapaligiran upang walang mapangitlugan ang lamok. Ugaliin ding palitan ang tubig ng mga flower vases, mga sisidlan ng tubig, o alulod (gutter). Mahalaga din natatakpan ang mga sisidlan ng tubig. Maari ding gumamit ng net o screen upang hindi makapasok ang lamok sa bahay. (LGU-Tacurong City Information)