Hindi lang palayan kundi iba’t ibang kabuhayan ang tampok sa Farmers’ Field Day ng Brgy. Baras, San Pablo, at D’Ledesma noong ika-7 ng Agosto sa syudad ng Tacurong.

Binisita ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang barangay sa syudad ang mga technology demonstration farms o model farms ng diversified rice-based farming system sa nasabing tatlong barangay. Sa pamamagitan nito ay nakita nila ang iba’t ibang teknolohiya sa pagpapalay, gulayan, at pag-aalaga ng baboy, hito, at iba pa. Sa diversification o pagkakaroon ng iba’t ibang produktong pang-agrikultura, inaasahan na ang mga magsasaka at kanilang pamilya ay may kasapatan sa pagkain at kabuhayan.

“Gina-encourage naton ang mga farmers nga hindi lang mag mono cropping o kung palay, palay lang. Pwede nila ilogon ang ginhimo sang aton farmer cooperators sa aton nga mga demo farms para mas damo sila kuhaan sang konsumo kag pangabuhian,” ayon kay City Agriculturist Ramon Losañes.

Ang Technology Demonstration on Diversified Rice-Based Farming System ay pinondohan ng Department of Agriculture XII. Ang farmer cooperators sa nasabing programa ay tinulungan ng City Office for Agricultural Services (OAS) sa pagsisimula at pag-sustena sa mga nasabing farms. Tumulong din ang SK Agriculture Office at barangay governments ng Baras, D’Ledesma, at San Pablo.

Kabilang sa mga teknolohiyang kasama sa model farms ay ang modified Korean technology on swine production. Isa itong teknolohiya para sa isang babuyang walang amoy dahil sa paggamit ng ipa sa mismong kulungan ng mga alagang baboy.

Ang diversified farming ay isa ring paraan upang matulungan ang mga magsasaka na makapaghanda sa kalamidad o sakuna na dulot ng pabago-bagong panahon.

“Kung masira ang palayan ng malakas na hangin at ulan, may iba pang mapagkukunan ng kabuhayan. Kung mono cropping, kapag nawala ang isa, magkakamot na lang ng ulo ang magsasaka,” dagdag pa ni Losañes.

Matapos bumisita sa demo farms, nagkaroon ng pormal na programa ang mga magsasaka sa Barangay D’Ledesma na dinaluhan din ng mga opisyal ng barangay, Sultan Kudarat Provincial Agriculture Office, at DA XII.

“Mag-uuma guid kita…nagapakaon sa mga Pilipino. Papag-unon pa naton ang aton nga sektor,” sabi ni Provincial Agriculturist Nestor Casador. Hinimok nya ang mga magsasaka na magpatuloy sa pagtuklas ng mga teknolohiyang patuloy na magpapa-angat sa kabuhayan.

Sinigurado naman ng LGU, sa pamamagitan ng OAS, na handa ito sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng mga magsasaka sa pag-adopt ng mga bagong teknolohiya sa pagpapalay at iba pa. (LGU-Tacurong City Information)