“Ang bakuna nariyan para labanan ang virus, hindi para magbigay ng sakit sa atin. Kaya, huwag kayong matakot.” Ito ang mensahe ni City Health Office Nurse Gina Ramiscal sa mga health workers, barangay officials, at purok presidents ng Brgy. Poblacion at Brgy. New Isabela na lumahok sa huling araw ng oryentasyon ng COVID-19 Vaccination Plan para sa mga barangay sa Lungsod ng Tacurong, Pebrero 22, 2021.

Ayon kay Nurse Ramiscal, bagamat agarang nagawa ang bakuna, siguradong ligtas at epektibo ang mga ito laban sa COVID-19 dahil dumaan ito sa masusing proseso at pagsusuring agham at medikal.

Buo rin ang kumpiyansa ng Office of the City Health Services (OCHS) sa mga bakunang bibilhin ng Lokal na Pamahalaan ng Tacurong dahil sa mga Pharmaceutical Companies na rekomendado ng World Health Organization at Department of Health, at aprobado din ng Food and Drug Administration ang mga ito.

Binigyang linaw rin sa oryentasyon ang mga haka-haka tungkol sa bakuna na may virus mismo na nakahalo sa bakuna at nakapagdudulot ito ng sakit.

Walang buhay na virus ang nakalagay sa bakuna. Mayroon lamang napakaliit na bahagi ng patay na virus ang kinuha at inilagay sa bakuna para makatulong sa katawan ng tao na kumilala sa mismong buhay na corona virus kapag nagkataong pumasok ito sa katawan ng tao. Hindi ito nakakapinsala sa kalusugan dahil ito ay wala ng buhay at ito ay walang ibang gagawain kung hindi ang palakasin ang katawan ng tao sa pagbuo ng antibodies o mga pwersang natural sa loob ating katawan na susugpo sa nakakapinsalang virus.

Sinagot din ni Dr. Emelyn Nepucpan ang mga katanungang nagmula sa mga kalahok pagkatapos ng oryentasyon.

Ang mga bakunang makukuha ng OCHS ay para sa lahat ng residente ng Tacurong ngunit prioridad pa rin ang mga frontliners at health workers para sa agarang pagbabakuna dahil sila ang laging nakataya sa panganib ng sakit dulot na rin ng kanilang trabaho.

Inaasahan na sa ginagawang adbokasiya ng OCHS, maipararating ang tamang impormasyon sa mga tao ng sa ganoon ay mabuksan ang kanilang mga isipan, tumaas ang kanilang tiwala at kumpiyansa sa bakuna, at maihanda ang kani-kanilang sarili para sa araw ng pagtuturok. (DEC, LGU-TacInformation)