Sa paggunita ng ikasandaan at dalawampu’t-dalawang taong Araw ng Kalayaan, isang payak na aktibidad ang ginawa sa lungsod ng Tacurong sa pamamagitan ng pagtugtog ng pambansang awit at pag-alay ng bulaklak sa monumento ng pambansang bayani ngayong umaga ng Hunyo 12.

Pinangunahan ni Mayor Angelo ‘Roncal’ Montilla ang maliit na bilang ng mga nakibahagi sa simpleng pagdiriwang na sinamahan din nina Vice Mayor Lino Montilla, 601st Infantry Brigade, Philippine Army OIC Col. Joel Mamon, at Tacurong City Chief of Police Lt. Col. Rey Egos.

Kasama din sa seremonya sina Konsehal Remo Flores, ABC President Amoilo Ortizo, City Administrator Roberto Ayco, at Executive Assistant Rogelio Garcia.

Ngayong taon, ang Araw ng Kasarinlan ay may temang “Kalayaan 2020: Tungo sa Bansang Malay, Nagbabayanihan, at Ligtas” (Towards a Free, United, and Safe Nation).

Sinabi ni Mayor Montilla na bagama’t nasa gitna ng pandemya ang bansa, maaari pa ring gunitain sa payak na pamamaraan ang mga mahahalagang pangyayari sa ating kasaysayan.

“Hindi hadlang ang krisis na ating kinakaharap upang simpleng ipagdiwang ang makasaysayang araw na ito,” ani Mayor Montilla. (ASF, LGU Information)