Pulis. Bumbero. Nars. Doktor.

Sila ang nagsama-sama upang mabigyan ng libreng serbisyo ang 679 batang lalaki sa Operation Libreng Tuli ng LGU-Tacurong City noong Marso 30 hanggang Abril 12.

Katulong ng Office for the City Health Services ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Sandig Medical Clinic and Hospital, at mga nars ng DOH-Nurse Deployment Project sa pag-iikot sa 20 barangay sa syudad. Bawat batang natuli ay binigyan din ng libreng mga gamot.

“Salamat sa PNP at BFP sa pagpapadala ng kanilang mga personnel na nurses din. Nakasisiguro tayong maayos at malinis na naisagawa ang pagtutuli sa ating beneficiaries,” wika ni Vice Mayor Joseph George Lechonsito MD.

“Kung sa ospital, nasa P3,000 ang package for circumcision. Kaya tayo, nagkaroon ng ganitong programa ay para makatulong tayo sa pagbabawas ng gastusin ng mga magulang ngayong summer,” dagdag pa ni Vice Mayor Lechonsito na syang nagsimula ng Operation Libreng Tuli ng LGU.

IMG_0911 IMG_1138 IMG_1152