Hindi pa man lubusang puno ang kasalukuyang sanitary landfill ng lungsod, may mahigit labingwalong ektaryang lupa na inihahanda ang lokal na pamahalaan kung sakaling kakailanganin na.

Nitong umaga ng Hunyo 15, lumagda sa Deed of Absolute Sale ang apat na may-ari ng lupa kung saan ipinagbibili nila sa lokal na pamahalaan ang 18.2411 na ektaryang propedad nila sa Barangay Kalandagan nitong lungsod.

Kasabay ng paglagda sa deed of sale, tinanggap din ng mga may-ari ang tseke mula sa City Treasury Office na may kabuuang halaga na P3,648,220.00.

Maliban kay Mayor Angelo ‘Roncal’ Montilla, nasa simpleng seremonya din kanina sina Vice Mayor Lino Montilla, City Administrator Roberto Ayco, City Treasurer Jessie Batchar, City Accountant Orlando Edica, at Executive Assistant Elma Bides.

Ang pagbili ng lupa ay naisakatuparan matapos na bigyang-kapangyarihan ng Sangguniang Panlungsod si Mayor Angelo ‘Roncal’ Montilla na lumagda sa deed of sale.

Maituturing naman na mura ang pagkakabili ng LGU sa naturang land property dahil lumalabas na P20 per square meter lamang ang halaga ng lupain o may katumbas na halagang P200,000.00 bawat ektarya.

Nagpasalamat din ang alkalde sa mga may-ari dahil sa pagbibigay-daan na maisakatuparan ng lungsod ang mga programa nito lalo na sa environment.

“Seryosong usapin ang environmental protection at ang paglalaan ng malawak na sanitary landfill ay kailangang gawing prayoridad ng ating lokal na pamahalaan,” ani Mayor Montilla.

Nasa Barangay Upper Katungal ang kasalukuyang sanitary landfill ng lungsod at halos labinlimang taon na rin itong ginagamit.

Samantala, sinabi din ng alkalde na maliban sa pagtatayo ng bagong sanitary landfill, gagamitin din ang ilang bahagi ng 18 na ektaryang lupain para sa iba pang infrastructure projects ng lungsod. (ASF, LGU Information)