Tambay.

Ayon sa labing-siyam na taong gulang na si Jude Michael Badajos, ito marahil ang ginagawa nya ngayon kung hindi sya sumali sa Skills Training on Small Engine Servicing NC II noong Mayo hanggang Hunyo.

IMG_6708
Si Jude habang tinatanggap ang kanyang Certificate of Completion mula kay Mayor Lina O. Montilla.

Isa si Jude sa 149 out-of-school youth at tricycle drivers na nagtapos sa nasabing BUB Community-based Skills Training Program noong ika-20 ng Agosto 2015 sa Lungsod ng Tacurong. Ito ang kauna-unahang skills training sa Sultan Kudarat na isinagawa sa ilalim ng nasabing programa.

“Sadto, parts lang sang motor ang nabal-an ko. Subong kabalo na ako sa maintenance kag troubleshooting,” sabi ni Jude na ngayon ay may National Certificate (NC) II nasa nasabing skill.

Isa rin si Jude sa 30 graduates na inorganisa bilang asosasyon sa ilalim ng SEA-K Program. Ang grupong ito ay bibigyan ng capital assistance upang makapagtayo ng sariling shop.

“Pag may sarili na ko nga income sa shop, ibutang ko ang kwarta sa bangko para maka-prepare ako sa future ko,” ayon kay Jude.

Ang pagsasanay sa 149 beneficiaries na nagkakahalaga ng P817,500 ay hatid ng TESDA. Maliban sa libreng pagsasanay, nakatanggap din ang mga nagsipagtapos ng libreng toolkits mula sa LGU. Ang toolkits ay naglalaman ng bagong mga kagamitan sa pagmemekaniko na nagkakahalaga ng P2,626.85 bawat isa. Nagbigay din ang LGU ng P1,400 allowance para sa bawat graduate.

Ang Motorcycle/Small Engine Servicing NC II na isinagawa sa Centerpoint College of Arts & Sciences ay pinondohan sa pamamagitan ng Bottom-Up Budgeting Program 2015 ng Department of the Interior and Local Government, Department of Budget and Management, at National Anti-Poverty Commission. (Jez Billano, LGU Tacurong City)