Umabot sa 281 na mga kasapi ng labindalawang asosasyon sa lungsod ng Tacurong ang nabiyayaan ng P4.,925,461.00 na livelihood grant mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang grant o libreng tulong-pinansiyal ay nasa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD na naglalayon na tulungan ang mga mahihirap na mamamayan para maiangat ang kanilang kabuhayan.

Ginanap ang isang simpleng seremonya sa paggawad ng tseke sa command post ng Incident Management Team on COVID-19 sa Tacurong City Cultural and Sports Center kaninang umaga, Hunyo 9.

Pinangunahan ni Mayor Angelo ‘Roncal’ Montilla ang awarding ceremony kasama sina City Social Welfare and Development Officer Eufemia Robles at CSWDO-Livelihood Section Head Josephine Ubaldo.

Dumating din ang mga kawani ng DSWD 12 sa pangunguna ni Project Development Officer III Mohammad Baunto.

Kasama sa mga benepisyaryo ang mga kasapi ng Pantawid Pamilya ganundin ang iba pang bahagi ng informal sector.

Isa ang Balegkas SLP Association ng Barangay San Emmanuel sa may pinakamalaking natanggap na assistance sa halagang P839,130.00. Ang “balegkas” ay hango sa salitang kasuotan o clothing.

Ayon kay Lumanda Mangco, presidente ng asosasyon, umaabot sa 30 ang kanilang myembro. Plano nila umanong magpatayo ng tailoring shop bilang negosyo.

“Masaya kami at matutupad na rin ang pangarap namin na magkaroon ng negosyo”, ani Mangco.

Sinabi ni PDO Baunto na pangunahing layunin ng SLP na malinang ang ‘entrepreneurial and labor skills’ ng mahihirap na pamilya para mas mapalawak ang access nila sa pangunahing serbisyo at maiangat ang estado ng kanilang kabuhayan.

“Mas matututukan ninyo ang pagpapalago ng inyong negosyo dahil wala kayong babayarang utang sa gobyerno,” sabi ni Baunto.

Hinimok naman ni Mayor Montilla ang mga kasapi ng asosasyon na patatagin ang kanilang grupo para magtagumpay ang papasukang negosyo.

“Tiwala, katapatan, at respeto… ito ang ilan sa pangunahing ingredients sa matatag na asosasyon. Nawa’y magsilbi kayong modelo at inspirasyon para sa ibang mga asosasyon,” ani Mayor Montilla. (LGU Information)